Ang Pininyahang Sugpo ay isa sa mga simpleng seafood recipes na gusto kong gawin kapag naghahanap ako ng masarap pero madaling ihanda na ulam. Gustong-gusto ko ang combination ng tender na sugpo, matamis-asim na pineapple at creamy sauce dahil nagbibigay ito ng kakaibang flavor sa isang simpleng seafood dish.
Sa recipe na ito, ilang ingredients lamang ang kailangan kaya hindi mahirap ihanda. Ginisa ko muna ang sugpo kasama ang sibuyas, pagkatapos ay nilagyan ko ng pineapple chunks, pineapple juice, asin at paminta. Sa huli, idinagdag ko ang cream para maging creamy at mas malinamnam ang sauce. Masarap itong ihain habang mainit kasama ng kanin.
Mga Sangkap:
500 gramo hipon
1/2 sibuyas, hiniwa
2 butil ng bawang, tinadtad
1 lata (230g)pineapple chunks
250 ml All Purpose Cream
paminta at asin ayon sa panlasa
Paraan ng Pagluluto:
1. Mag-init ng kaunting mantika sa kawali at igisa ang sibuyas at bawang hanggang bumango. Idagdag ang hipon at igisa hanggang magbago ang kulay.
2. Idagdag ang pineapple chunks kasama ng juice nito, paminta at asin ayon sa panlasa. Haluing mabuti at hayaang kumulo hanggang maluto ang hipon.
3. Idagdag ang All Purpose Cream at haluing mabuti. Hayaang kumulo nang halos isang minuto, saka patayin ang apoy.
4. Ihain habang mainit kasama ng bagong saing na kanin.
Cooking Tips:
1. Huwag sobrang tagalan ang pagluluto ng hipon para manatiling tender at juicy ang laman.
2. Haluing mabuti ang pineapple juice at cream para magkaroon ng pantay na lasa ang sauce.
3. Tikman muna bago dagdagan ng asin dahil may natural na sweetness at acidity na ang pineapple juice.
4. Idagdag lamang ang cream sa huling bahagi ng pagluluto upang manatiling creamy at smooth ang sauce.
5. Ihain agad habang mainit para mas ma-enjoy ang creamy pineapple sauce kasama ng kanin.
FAQs:
1. Gaano karaming pineapple juice ang kailangan?
Kung ano ang laman ng lata yon lang ang kailangan.
2. May pineapple chunks ba ang recipe?
Oo, meron na isinasama sa hipon habang niluluto.
3. Anong cream ang ginagamit?
All purpose cream, gaya ng Nestle, Alaska at Magnolia
5. Gaano katagal pakuluan ang cream?
Pagkatapos idagdag ang cream, simmer lamang nang isang minuto bago patayin ang apoy.
Ang Pininyahang Hipon ay isang madaling seafood recipe na may masarap na combination ng savory shrimp, pineapple at creamy sauce. Kaunti lamang ang ingredients at mabilis itong lutuin, kaya magandang ulam kapag gusto ko ng simple pero espesyal na seafood dish.

No comments:
Post a Comment