Wednesday, July 29, 2020

Paano Lutuin Ang Tiyan Ng Bangus (Iwas Talsik Mantika)


Bumili ako ng 1 bangus na malaki, ang buntot at ulo ginawa kong paksiw at ang tiyan ay pinirito. Mmmmmm ang sarap!

Mga sangkap:
  • tiyan ng bangus
  • calamansi
  • harina
  • asin at paminta na panimpla
Paraan ng pagluluto:
  1. Pigaan ng calamansi ang tiyan ng bangus saka timplahan ng asin at paminta.
  2. Pagulungin sa harina para di sumabog at tumalsik ang mantika kapag pinirito, kapag mainit na ang mantika  ipirito ito  hanggang sa maluto.
  3. Ihain kasama ng kanin at sawsawan.

Thursday, May 28, 2020

Paano Gawin Ang Ensaladang Pinya



Nakatikim ka na ba ng salad na pinya? Kung hindi pa ay subukan mo ito. Napakadaling gawin at ang sarap pa.


Mga Sangkap:

1 piraso pinya (hiniwa)
1/2 tasa mayonaise
1/2 tasa pasas
1/2 tasa hiniwang ham
2 kutsara hiniwang dahon ng sibuyas
asin ayon sa iyong panlasa


Paraan  ng Paggawa:

1. Pagsamasamahin ang lahat ng mga sangkap at haluin maigi.
2. Ilagay sa isang mangkok at ihain.
O, di ba napakadali lang kabayan? Subukan mo na para masorpresa ang iyong pamilya.




Sunday, April 12, 2020

Paano Lutuin Ang Crispy Pata



Isa sa mga sikat na pagkaing Pinoy ang crispy pata lalo na sa mga special na handaan, kaya ito ang naisipan kong unang ibahagi sa inyo. Madali lang itong lutuin mga kababayan, pero ingat lang sa pagpipirito para di mapaso.

Mga sangkap:
1 pirasong pata (malinis na)
3 litrong tubig (dagdagan kung kailangan)
3 butil ng bawang (dinikdik)
1/2 kutsarita ng pamintang durog
1 kutsarang asin
2 litro mantika

Paraan ng Pagluluto:
1. Sa malaking caldero ilagay ang tubig, asin, paminta, bawang at pata, pakuluan hanggang sa lumambot. Kapag malambot na hanguin ang pata at patuluin.
2. Initin ang mantika sa kawali sa katamtamang apoy, kapag mainit na, ilagay ang pata at prituhin hanggang sa maluto ito. 
3. Hanguin at ihain kasama ng paborito mong sawsawan.

Tips: Para lalong lumutong ang balat wisikan ng tubig paminsan minsan habang pinipirito ito.

Pwede ring budburan ng pritong bawang kapag inihain para lalong sumarap.

Thursday, April 9, 2020

Ginisang Sardinas




Kaming dalawa ni Malley (my husband) ay mahilig sa sardinas, sa kanya nilalagay sa tinapay, akin inuulam sa kanin :). Kaya I see to it na may stock ng sardinas para kung need ng madaliang paghahanda ng makakain meron kaagad magagawa. Tulad ngayon si Malley nasa London kaya nagisa na lang ako ng sardinas, tara kain tayo.
Mga Sangkap:
  • 1 lata ng sardinas
  • kalahating sibuyas (hiniwa)
  • mantika
Paraan ng Pagluluto:
  1. Lagyan ng kunting mantika ang kawali at kapag mainit na ilagay ang sibuyas gisahin ito (nasa iyo kung gusto mong medyo brown ang sibuyas o kunting gisa lang tulad ng gusto ko.)
  2. Pagkatapos ay ilagay ang sardinas at gisahin ito. Karamihan sa sardinas di na kailangang timplahan dahil malasa na, pero nasa sa iyo pa rin yon kung gusto mong dagdagan ang timpla.
  3. Ihain ito kasama ng kanin o tinapay. Sarap!

Monday, March 23, 2020

Ginisang Sitaw At Kalabasa




Masarap at masustansya.


Mga Sangkap:
1/2 kilo kalabasa (hiniwa)
2 tali sitaw (hiniwa)
1/4 kilo baboy (hiniwa)
1/4 tasa toyo
2 tasa tubig
3 butil bawang (dinikdik)
2 kutsara mantika
asin at paminta panimpla


Paraan ng Pagluluto:
1. Initin ang mantika at ilagay ang baboy hanggang sa maging brown saka ilagay ang bawang at gisahing maigi, ilagay ang toyo at gisahin ng ilang segundo.
2. Ilagay ang tubig at pakuluin, ilagay ang kalabasa at pakuluin ng 4 na minuto o hanggang sa malapit ng maluto at ilagay ang sitaw, lakasan ang apoy para manatiling green ang kulay ng sitaw at haluing maigi, timplahan ng asin at paminta at patayin kapag luto na ang mga gulay.
3. Ihain kasama ang kanin. Masarap magkamay 😃



Kung gusto nyong iimprove ang lasa sa pamamagitan ng paglagay ng mga powder na panimpla nasa sa inyo na po yon.

Saturday, March 21, 2020

Paano Gawin ang Avocado na May Gatas



Isang classic na merienda ang avocado na may gatas, paborito ko mula noon hanggang ngayon. Palagay ko walang may ayaw nito, kung merong ayaw ito , pwede mong ibahagi dito ang iyong dahilan kabayan 😃.


Mga sangkap:

1 hinog na avocado
6 kutsara gatas na condensada
4 kutsara gatas na evaporada

Paraan ng paghahanda:

1. Hatiin ang avocado at kutsarahin ito para maalis sa balat, ilagay sa malaking bowl.
2.Ilagay ang gatas at paghuluing maigi, pwedeng kainin na agad o palamigin.

Thursday, March 19, 2020

Paksiw Na Ulo Ng Isda




Ang paksiw ay isa sa mga putahe na napakadaling lutuin. May mga kaibigan ako ayaw kumain ng paksiw dahil ayaw nila ang amoy ng suka, para sa akin masarap ang paksiw at nakakagana ang amoy ng suka. Ito ang paborito kong bahagi ng isda ang ulo, dahil masarap ang mata ng isda, (nasubukan nyo na bang kumain ng mata ng isda?) kahit anong luto basta ulo ng isda gustong gusto ko, lalo na ang paksiw, kaya ito ang ibabahagi kong putahe ngayon.


Mga Sangkap:

 4 piraso ulo ng isda (kahit anong isda na gusto mo)
1 1/2 tasa  suka
2 butil ng bawang (dinikdik)
 luya kasing laki ng hinlalaki (hiniwa)
1 maliit na bell pepper pula(hiniwa)
asin at paminta na panimpla


Paraan ng Pagluluto:

1. Pagsama-samahin sa caldero ang lahat ng mga sangkap at lutuin sa katamtamang lakas ng apoy hanggang sa maluto.
2. Ihain kasama ng kanin at maghugas ng kamay dahil masarap kumain ng nakakamay 😃 sarap!

Search This Blog